‘Ilegal na online sabong’ namamayagpag umano sa 3 lalawigan
Patuloy umanong namamayagpag ang ilegal na sugal na online sabong sa lalawigan ng Bulacan, Batangas, at Laguna.
Ayon umano sa impormasyon, ang DSC Online Sabong ay pagmamay-ari ng isang alyas Bryan at alyas Mayor, na sinasabing isang mataas na opisyal ng pulisya at isang mambabatas na kilala sa pangalang ‘Cong. M’ na siyang nagpapatakbo ng ilegal na Online Sabong sa iba’t ibang bayan partikular sa tatlong lalawigan.
Hindi umano natatakot ang nabanggit na pangalan sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng online sabong sa buong bansa na kung saan hindi pa nabibigyan ng katarungan ang pagkawala ng mahigit sa 30 katao noong 2021-22 ang dinukot ng ilang mga sindikato sa ilegal na sugal na ito.
Paiimbestigahan na sa pamunuan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Philippine National Police, sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Cyber Crime Division ng CIDG hinggil sa umano’y patuloy na ginagawang ilegal na aktibidad sa mga nasabing lugar.
Bukod dito, posible rin umanong paimbestigahan ito sa mababang kapulungan ng kongreso dahil laganap pa rin ang naturang ilegal na sugal.
Mahigit sa P15-milyon hanggang P25-milyon ang sinasabing kinikita ng illegal online sabong kada araw kung saan wala umanong nakukuha ang gobyerno mula rito. (Bhelle Gamboa)