Kadiwa Pop Up Store inilunsad sa Bilibid
Bilang tulong sa hakbang ng gobyerno na magbigay sa publiko ng mga pangunahing produkto na abot-kaya sa bulsa, inilunsad ngayong Biyernes, Setyembre 8 ng Bureau of Corrections (BuCor) sa koordinasyon ng Department of Agriculture (DA) ang kanyang KADIWA POP UP STORE sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Reservations sa Muntinlupa City.
Inihayag ni BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. na araw-araw nang mabibili sa KADIWA store ang mga sariwang gulay, prutas, itlog, asukal, isda, bigas at iba pang produkto.
Aniya simula pa lamang ito ng KADIWA store at target na rin ng opisyal na gamitin ang NBP reservations bilang “Pambansang Bagsakan ng Bigas para sa Mamamayan o PBBM.”
Ang lokasyon ng NBP ay maganda at mas madali para sa food terminal at government center sa katimugang Metro Manila dahil konektado na ang North Luzon Expressway sa South Luzon Expressway.
“I want our persons deprived of liberties to be relevant and sustainable by teaching them how to farm and to grow their own food and at the same time help the government in its food security program,” sabi ni Catapang.
Idinagdag pa ng pinuno ng BuCor na gumagastos ang gobyerno ng P120,000 bawat PDL kada taon kaya marapat na ibalik ng PDL sa komunidad ito sa pamamagitan ng pagsasaka.
“Ayoko na masabi na mga preso lang yan, pabigat sa bayan kaya gusto kong ipakita sa taongbayan na kapi-pakinanabang sila kahit sila ay nasa loob ng piitan,” pahayag pa ni Catapang.
Binanggit pa nito ang katatapos lamang na paglagda sa memorandum of agreement para sa pagpapalago at rehabilitasyon ng mga lupang taniman sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princess City, Palawan sa pagitan ng Department of Justice, BuCor at DA na suporta sa pagpapanatili ng kapaligiran para sa produksiyong pagkain lalo na may mga hamon sa seguridad sa pagkain.
Layunin ng proyekto na lahukan at ipatupad ang agro-industrial projects sa pamamagitan ng pagpapayabong sa mga lupa at pinagkukunang yaman para maging produktibong agricultural camps o food production centers upang ambag sa seguridad ng pagkain sa bansa;magbigay ng kaukulang training ang PDLs na magkaroon ng pagkakakitaan bilang paghahanda ng kanilang pagsasama sa lipunan at ng kanilang pamilya; magkaloob ng rehabilitasyon ng PDLs sa tulong ng agricultural production training, horticultural therapy, at vocational gardening sa ilalim ng BuCor’s Work and Livelihood Program; pagpapabuti sa PDLs at ibang miyembro ng komunidad para sa sapat na pagkain, meal nutrition, at dietary qualities sa buong taon,malawakang produksiyon at sapat na pag-aani ng mga prutas at gulay. (Bhelle Gamboa)