Publiko pinag-iingat sa impostor na BPLO employee
Naglabas ng abiso ang Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Las Piñas sa publiko ukol sa indibiduwal na nagpapanggap na empleyado ng City Hall upang mangikil ng pera sa mga aplikante ng Business Permit and Licensing Office (BPLO).
Ayon sa Las Piñas LGU, ang tunay na empleyado ng City Hall ay may dalang valid Las Piñas City Hall ID na may kalakip na larawan, pangalan, posisyon at lagda.
Kung may pagdududa o alinlangan ay hinihikayat ang publiko na beripikahin ang katauhan ng indibiduwal sa pamamagitan ng paghingi ng wastong pagkakakilanlan nito at tumawag o makipag-ugnayan sa nakakasakop na tanggapan ng lungsod.
Sa ngayon puspusang nakikipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod sa local law enforcement agencies upang arestuhin ang nagpapanggap na empleyado.
Ang sino mang mahuhuling nagpapanggap na City Hall employee ay sasampahan ng kaukulang kaso ayon pa sa nasabing abiso.
Panawagan ng Las Piñas LGU sa lahat na maging vigilante at tumulong sa pagprotekta sa komunidad laban sa ganitong ilegal na aktibidad. (Bhelle Gamboa)