Mahalagang papel ng Canada sa maritime security sa ASEAN pinuri ni Pangulong Marcos
Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang papel ng Canada sa pagsusulong ng maritime security sa ilalim ng Indo-Pacific Strategy nito.
Sa kaniyang intervention sa idinaos na ASEAN-Canada Summit sa Jakarta Convention Center na dinaluhan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau, binanggit ng pangulo ang mga inisyatiba ng Canada sa kanilang Indo-Pacific Strategy, kabilang ang pagsasanay sa smart border patrols, pagtugon sa mga krimen at terorismo, military-to-military capacity building, at iba pa.
Sinabi ng pangulo na kinikilala ng Pilipinas ang gampanin ng Canada sa pagsusulong ng maritime security at safety sa rehiyon.
Ayon sa pangulo, napapanahon din ang pag-adopt sa Joint Leaders’ Statement on ASEAN-Canada Strategic Partnership na inaasahang makapagpapalalim pa sa relasyon ng Canada sa ASEAN.
“To further expand mutual trade, we should continue efforts at enhancing ASEAN connectivity and supply chains,” ayon sa pangulo.
Binanggit din ni Pangulong Marcos ang patuloy na pagsuporta ng Canada sa edukasyon sa ASEAN at ang Feminist International Assistance Policy nito kabilang ang pagsuporta sa ASEAN Institute for Peace and Reconciliation (AIPR).
Si Pangulong Marcos ay nagkaroon ng bilateral meeting kay Trudeau sa sidelines ng summit.
Inimbitahan ni Trudeau ang pangulo na bumisita sa Canada sa susunod na taon kasabay ng pagdiriwang ng ika-75 taon ng diplomatic relations ng dalawang bansa. (DDC)