495 PDLs lumahok sa food security project ng gobyerno
Aabot sa 495 na persons deprived of liberty (PDLs) ang pinayagang pansamantalang makalabas sa kanilang kulungan sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) upang sumali sa reformations initiative for sustainable environment (RISE) ng gobyerno para sa proyektong pangseguridad sa pagkain.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., base sa report na kanyang natanggap mula kay IPPF Superintendent Gary Garcia, umabot sa 300 na PDLs mula sa medium security at 195 naman galing ng minimum security ang nagsimulang magpunla at inihanda ang dalawang ektaryang lupa buhat sa 501 na ektaryang lupa na pag-aari ng BuCor para sa RISE project.
Inihayag pa ni Catapang na ito ay realisasyon ng Memorandum of Agreement na nilagdaan sa Malacanang na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagitan ng Department of Justice, BuCor at Department of Agriculture.
Aniya ang naturang proyekto ay hindi lamang magbibigay ng sapat at seguridad na pagkain sa bansa kundi reresolbahin din nito ang alalahanin ng sektor pang-agrikultura sa mga nagkakaedad ng magsasaka kung saan sasanayin ang mga PDLs na maging magsasaka.
Makatutulong din itong palakihin ang kapasidad ng bansa na handa sa kanyang pangkalahatang potensiyal na palaguin ang mga lokal na agrikulturang produkto at suplayan ang internasyunal na mga merkado dahil sa pagpapalawak ng erya ng produksiyon paliwanag ni Catapang.
Magbibigay din ng karagdagang kita sa paglahok ng PDLs, kontribusyon sa kanilang repormasyon, ihanda sila na mamuhay ng normal at produktibong buhay sa reintegrasyon sa ating lipunan.
Sa ilalim ng MOA, ang IPPF ay gagamitin para sa pagpapatupad ng pilot project ng agro-tourism at agro-aguaculture sites na magbibigay ng oportunidad para sa replikasyon at pagpapaunlad sa ibang penal colonies sa bansa.
Sa ilalim ng MOA, ang proyekto ay gagamit ng 501 buhat sa 28,788.54 na ektaryang lupa ng IPPF para sa mga sumusunod:
• 4.5 na ektarya para sa iba’t ibang gulay
• 30 na ektarya para sa cashew
• 1 na ektarya para sa prutas at vegetable herbs bilang edible landscaping
• .5 na ektarya para sa tilapia
• 40 na ektarya para sa palay
• 400 na ektarya para sa livestock na produksiyon ng karne at dairy
• 25 na ektarya para sa produksiyon ng mais. (Bhelle Gamboa)