Las Piñas LGU nagpaalala ukol sa mga sakit na maaaring makuha sa tag-ulan
Pinapaalalahanan ng Las Piñas City Government ang mga residente sa mga karaniwang sakit na maaaring makuha sa panahon ng tag-ulan.
Kaugnay nito, naglabas ang City Health Office ng isang informative health advisory video upang ipabatid sa mga residente ang posibleng pagtaas ng panganib sa mga sakit na karaniwang naidudulot ng tag-ulan.
Bukod pa rito ang epekto ng hanging Habagat na nagdadala ng mga malalakas na ulan sa Metro Manila kabilang ang Las Piñas kung kaya nanganganib ang mga mamamayan sa mga sakit tulad ng dengue, leptospirosis, at mga waterborne illnesses gaya ng cholera, dysentery, hepatitis A, at typhoid na sanhi ng ingestion o ng kontaminadong tubig.
Panawagan ng CHO sa mga Las Piñeros na agad kumuha ng medikal na atensiyon mula sa mga health center o health care providers sa lungsod kung makararanas ng anumang sintomas sa mga nabanggit na sakit.
Layunin ng abiso na magbigay ng napapanahong babala o warning upang umaksyon at manatiling vigilante ang mga residente na maging maingat sa kanilang kalusugan para sa kanilang kaligtasan ngayong tag-ulan.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan o komunsulta sa opisyal na social media pages ng CHO. (Bhelle Gamboa)