LPA sa Extreme Northern Luzon naging ganap ng bagyo; Habagat magpapaulan pa rin sa maraming lugar sa Luzon
Isa ng ganap na bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa extreme Northern Luzon.
Ang bagyo na pinangalanang “Ineng” ng PAGASA ay huling namataan sa layong 925 kilometers East ng Extreme Northern Luzon.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-hilaga.
Ayon sa PAGASA, walang direktang epekto ang bagyo sa bansa pero bahagya din nitong palalakasin ang Habagat.
Inaasahang lalabas din agad ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ineng, ngayong araw o bukas (Sept. 6).
Ang Tropical Storm Haikui na dating bagyong Hanna ang mas may epekto pa sa Habagat na magpapaulan pa rin sa malaking bahagi ng Luzon.
Sa weather forecast ng PAGASA, ngayong Martes (Sept. 5) ang buntot ng bagyong Ineng ay maaaring magdulot ng pag-ulan sa Batanes, Cagayan at Isabela.
Samantala, Habagat naman ang magpapaulan sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Ilocos Region, Abra, Benguet, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Occidental Mindoro at sa iba pang bahagi ng Luzon. (DDC)