50 percent ng manual counters ng Immigration sa mga paliparan, gagawin ng e-Gates
Papalitan na ng electronic gates ang mga manual counters ng Bureau of Immigration (BI) sa mga paliparan.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, target ng BI na mapalitan ng e-Gates ang 50 percent ng kanilang manual counters.
Sinabi ng BI na sumusunod ito sa 45-second immigration processing time para sa mga biyahero na nakasaad sa Guidelines on Advance Passenger Information ng International Air Transport Association (IATA) at ng International Civil Aviation Organization (ICAO).
Ayon kay Tansingco, nakalinya sa IT programs ng ahensya ang mas pagpapabilis pa ng processing time ng mga pasahero ng hindi nakokompromiso ang national security.
Kasama ang pagbili ng e-gates ng BI sa inaprubahang information systems strategic plan ng ahensya para sa taong 2024 to 2026.
Inaasahan na ang paggamit ng e-gates na kagaya ng ginagamit na sa ibang mga bansa ay magiging 8 seconds na lamang ang processing time kada pasahero.
Sa ngayon ay mayroon pa lamang 21 e-gates sa arrival area sa mga pangunahing international airports sa bansa. Karamihan nito ay nasa NAIA.
Ayon sa BI, simula 2024 ay sisimulan na ng ahensya ang pagbili ng karagdagang e-gates at pagsapit ng 2026 ay inaasahang aabot na sa 43 e-gates ang mailalagay sa mga paliparan sa bansa.
Tinatayang P1.9 billion ang magagastos sa nasabing proyekto. (DDC)