4.7 percent inflation rate naitala noong Pebrero
Umakyat sa 4.7 percent ang headline inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa bansa noong buwan ng Pebrero 2021.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) ito na ang pinakamataas na inflation na naitala simula noong Enero 2019.
Ang pangunahing dahilan ng pag-angat ng inflation sa buwan ng Pebrero 2021 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages.
Ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng karne, partikular ang baboy.
Ang isa pang dahilan ay ang pagtaas ng presyo ng isda, gaya ng dilis habang nakaambag din ang pagtaas ng presyo ng bigas.
Ang pangalawang commodity group na nakapag-angat sa inflation nitong Pebrero 2021 ay ang Transport.
Ito ay bunga ng mas mabagal na pagbaba sa presyo ng petroleum at fuels.
Ang ikatlong pinanggalingan ng pagtaas ng inflation sa bansa ay ang mas mabilis na pag-angat ng presyo sa Housing, Water, Electricity, Gas, at iba pang fuels.