Chot Reyes aminadong nasasaktan sa mga banat laban sa kaniya; iiwan na ang pagiging coach ng Gilas
Iiwan na ni Chot Reyes ang pagiging coach ng Gilas Pilipinas.
Matapos ang tagumpay ng Gilas kontra sa koponan ng China, inanunsyo ni Reyes na ito na ang huling coaching niya sa Gilas.
Aminado si Reyes na nasasaktan siya sa mga natatanggap niyang pananalita mula sa mga basketball fans na hindi matanggap ang sunud-sunod na pagkatalo ng Gilas.
Ayon kay Reyes, maliban sa Gilas, maraming powerful teams ang hindi rin nakaabante subalit mistulang sa Pilipinas ay “bawal ang matalo”.
Mabigat, at masakit aniya para sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang mga natatanggap na “bastos” na pananalita.
Sinabi ni Reyes na dahil hindi sila nag-perform sa FIBA Basketball World Cup ay panahon na para sa kaniya na mag-step aside.
Ito ay para mabigyang pagkakataon aniya ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na makapagpasya ng kung ano ang mas nararapat para sa koponan ng Pilipinas. (DDC)