5 CAFGU patay sa pananambang ng mga rebeldeng naka-base sa Bicol

5 CAFGU patay sa pananambang ng mga rebeldeng naka-base sa Bicol

Nasawi ang limang miyembro ng Citizens Geographical Unit (CAFGU) habang mayroong tatlong iba pang nasugatan kabilang na ang isang militar makaraaang tamaan ng bala at masabugan ng bomba na pinaniniwalaang itinanim ng mga rebeldeng komunista na kasapi ng Bicol Regional Party Committee of the Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP/NPA).

Nangyari ang insidente sa Sitio Pag- asa, Brgy. Mapulot na nasa pagitan ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte sa Bicol region.

Sa report ng mga otoridad, ang limang nasawi ay sina Cesar Sales, Jeffrey San Antonio, Aljohn Rapa, Johnwell Perez, Jomari Guno, na pawang taga-Tagkawayan, Quezon at miyembro ng CAFGU sa ilalim ng 85th Infantry Battalion ng Army’s 201st Infantry Brigade.

Habang nasugatan naman sina Cpl. Marvijun Oller, Jr., Lauro De Guzman at Regie Macalintal.

Batay sa report na nakarating sa tanggapan ni Quezon Police Director Col. Ledon Monte, nangyari ang insidente habang nagpapatrulya ang puwersa ng pamahalaan sa pangunguna ni Oller.

Naka-engkwentro ng grupo ang mga rebelde gamit ang mahahabang armas at bomba na nagresulta sa 30 minutong bakbakan.

Nagresulta ito sa pag-atras ng mga rebelde dala ang mga sugatan nilang kasamahan.

Agad namang iniutos ni Monte ang paghihigpit sa seguridad sa nasabing lugar sa pamamagitan ng pagtatlaaga ng Regional Mobile Force Battalion at 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company para suportahan ang 85th IB troops.

Mas hinigpitan din ang nagpapatuloy na joint PNP-AFP Checkpoint Operations sa koordinasyon sa COMELEC.

Nakipag-ugnayan na din ang mga otoridad sa mga kalapit na mga ospital at clinic kung mayroong dinala na sugatang rebeldeng komunista.

Ang Bicol Region ay kilala bilang balwarte ng CPP/ NPA.

Base sa ulat, sinabi ni Monte na ang mga rebelde ay pawang Bicolano base sa kanilang pagsasalita.

Nakasuot din sila ng pulang bandana at itim na kamison na tipikal na kasuotan ng mga rebeldeng nakabase sa Bicol.

Noong nakaraang dekada, maraming pananambang at pagsalakay ang ginawa ng rebeldeng komunista sa Southern part ng Quezon na pinalala pa ng mga Bicol- based rebels mula sa boundaries.

Ang Quezon ay mayroong boundaries sa probinsya ng Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate na nagbibigay opurtunidad sa mga rebeldeng Bicolanong NPA na magpadala ng suporta sa kanilang mga kapwa rebelde sa mga bayan sa Southern Quezon.

Ang Quezon ay una nang idineklara bilang insurgency- free province noong June 12 kasabay ng 125th Philippine Independence Day celebration.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Quezon Governor Angelina “Helen” Tan kung saan isinagawa ang province-wide declaration ng Stable Internal Peace and Security (SIPS).

Kasunod ng pinagsamang pagkilos ng militar at kapulisan, ang mga local government units, national governement agencies at civic groups, ang 39 na munisipalidad at dalawang siyudad ay dineklara bilang mga insurgency- free. (DDC)

 

 

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *