Bagyong Hanna lumakas pa; posibleng umabot sa typhoon category ayon sa PAGASA
Lumakas pa ang Severe Tropical Storm Hanna habang nananatili sa Philippine Sea.
Sa 11AM weather bulletin ng PAGASA, ang sentro bagyo ay huling namataan ng PAGASA sa layong 1,160 kilometers East ng Extreme Northern Luzon.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 110 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong 135 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 10 kilometers bawat oras.
Ang bagyong Hanna at Super Typhoon Saola na dating bagyong Goring ay kapwa nagpapalakas sa Habagat.
Dahil sa Habagat, patuloy na makararanas ng pag-ulan ngayong araw (Aug. 31) hanggang bukas (Sept. 1) sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, Bataan, Aurora, Bulacan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at sa northern portion ng Eastern Visayas.
Sa Sabado naman (Sept. 2) uulanin pa rin ang Zambales, Bataan, Bulacan, Aurora, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, at ang northern portion ng Eastern Visayas.
Ayon sa PAGASA, sa susunod na 24 na oras ay posibleng lumakas pa ang bagyo at maging ganap na Typhoon.
Mananatili sa karagatan ang bagyong Hanna at inaasahang lalabas din agad ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas. (DDC)