Paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa DepEd, inaprubahan ng DBM
Upang makapagbigay ng sapat na manpower at masuportahan ang mga guro sa pagbibigay ng dekalidad na pagtuturo sa mga estudyante, inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa iba’t-ibang paaralan na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.
Ayon sa DBM, ang 5,000 items ay binubuo ng 3,500 Administrative Officer (AO) II positions na layong alisin sa mga guro ang administrative tasks at 1,500 Project Development Officer (PDO) I positions na tutulong sa mga AO II at iba pang non-teaching personnel.
Makatatanggap ang mga nasa AO II at PDO I positions ng basic salary na nagkakahalagang Php 27,000 (SG-11) base sa Fourth Tranche Monthly Salary Schedule for Civilian Personnel of the National Government.
Ayon kay Pangandaman, makatutulong ito sa mga guro na mabawasan ang kanilang trabaho at maka-focus sa pagtuturo sa mga estudyante.
Ang mga inaprubahang item ay ide-deploy sa mga Schools Division Offices (SDOs) sa mga rehiyon sa bansa. (DDC)