EMBO candidates nagsimulang maghain ng COCs sa Taguig
Nagsimula nang dumagsa ang mga kandidato sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula sa 10 Enlisted Men’s Barrios (EMBO) upang maghain ng kani-kanilang Certificates of Candidacy (COCs) sa Taguig City.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia, na mataas ang bilang ng mga kandidatong nagtungo sa Taguig Convention Center simula pa sa unang araw ng paghahain ng COCs nitong Agosto 28 na malinaw na kinikilala ng poll body ang deklarasyon na ang Taguig ang may hurisdiksiyon sa Cembo, Comembo, Pembo, East Rembo, West Rembo, South Cembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside at Rizal.
“Nagpapasalamat kami, natutuwa kami dahil nilipat namin ang filing of certificate of candidacy dito sa Taguig at simula kaninang napaka-aga pa lang, madami nang nag-file ng certificates of candidacy mula sa 10 EMBO barangays at hanggang ngayon mayroong nandyan nakapila, at may intensyon na mag-file dito sa Taguig. Sumadya talaga sila para lang mag-file ng kanilang certificates of candidacy. Isa lang ang ibig sabihin niyan, na kinikilala nila yung deklarasyon ng Comelec na ang kinikilala namin na may jurisdiction sa 10 barangays ay ang siyudad ng Taguig,” ani Garcia.
Maayos ang isinasagawang paghahain ng COCs ng mga kumakandidato na sumusunod sa parehong proseso bago pa man nailipat ang 10 EMBO barangays sa hurisdiksiyon ng Taguig.
Sinabi ni Taguig City Election Officer Edgar Aringay na mayroong pagbabago lang sa mga numero ng presinto para sa mga nasabing barangay habang ang voting centers at classrooms o silid-aralan na gagamitin sa pagboto ng EMBO barangays ay mananatili pa rin naman.
Aniya ang numero ng presinto para sa bawat barangay ay madali lamang na malaman sa Comelec-Taguig.
Nagsasagawa na rin ng voter education campaign upang ipaalam sa mga apektado ukol sa kaunting pagbabago.
“The change happened because, the voters who were in Makati have the same precinct number as our precincts here in Taguig. So, if it’s a single database or record, we need to change the precinct numbers to avoid the similarity with the precinct numbers here in Taguig,” paliwanag ni Aringay.
Maraming residente ng EMBO barangays ang nagtipon-tipon sa labas ng Taguig Convention Center, kumpleto sa color-coded shirts at mga lobo upang ipahayag ang kanilang suporta sa mga napipisil na mga kandidato.
Nagmistulang piyesta sa lugar sa mga oras ng paghahain ng COCs dahil ang mga kumakandidato ay bumabati sa kanilang mga taga-suporta habang papasok sa loob ng convention center. Masayang nagpakuha ng litrato ang mga kandidato matapos nilang isumite ang kanilang COCs.
Hanggang Setyembre 2 na lamang ang paghahain ng CoCs para sa halalang 2023 BSKE. (Bhelle Gamboa)