LTFRB pinayuhan ang mga magulang na tiyaking may prangkisa ang kukuhaning school service para sa kanilang anak
Pinayuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga magulang na tiyaking mayroong prangkisa ang kukuhaning school service para sa kanilang mga anak.
Ang payo ay ginawa ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III kasabay na din ng pagsisimula ng klase sa mga pampublikong paaralan.
Ayon kay Guadiz, mahalaga na may lehitimong prangkisa ang school service dahil nangangahulugan ito na sila ay sumusunod sa protocol na itinakda ng pamahalaan.
Kabilang sa protocol na na ipinatutupad ng LTFRB para sa mga school transport service ay dapat na pagkakaroon ng tamang “markings,” pagkakaroon ng seat belt, fire extinguisher, first-aid kit, at Stop-and-Go sign para sa pagbaba ng mga estudyante.
Sa datos ng LTFRB, nasa 4,202 na mga “four-wheeled unit” o school service ang nabigyan na ng prangkisa ng ahensya sa buong bansa.
Sa nasabing bilang, 3,090 sa ay matatagpuan sa NCR.
Ang LTFRB ay kaisa ng iba pang ahensya ng gobyerno, sa pagpapatupad ng “Oplan Balik Eskwela 2023”.
Hanggang sa Sept. 1, 2023 ang LTFRB ay may mga tauhan na nakaantabay sa mga lansangan na malapit sa mga paaralan.
Ito ay para matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na ng mga estudyante, at masigurong sapat ang mga pampublikong sasakyan na maghahatid sa kanilang paaralan. (DDC)