Pangulong Marcos inatasan ang BOC na ituloy ang pagsalakay sa mga warehouse ng hinihinalang rice smugglers at hoarders
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Bureau of Customs (BOC) na ipagpatuloy ang ginagawa nitong pagsalakay sa mga warehouse para masawata ang mga hoarder at smuggler ng bigas.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, doble-kayod ang ahensya laban sa mga illegal importer ng agricultural goods sa pamamagitan ng pag-beripika sa mga warehouse lalo na sa imbakan
ng imported na bigas.
Sinabi ni Rubio na base sa kautusan ng pangulo, magsasagawa ng validation ang BOC sa lahat ng imbakan ng imported rice at magpapalabas ng letters of authority para makapagsagawa ng inspeksyon.
Kamakailan, pinuntahan ng BOC ang tatlong warehouse ng bigas sa Intercity Industrial Complex San Juan Balagtas, Bulacan.
Ayon kay Rubio ang mga bigas na nakita sa Great Harvest Rice Mill Warehouse, San Pedro Warehouse at FS Rice Mill Warehouse ay pawang galing ng Vietnam, Cambodia, at Thailand na base sa inisyal na pagtaya ay aabot sa 505 million pesos ang halaga ng mga nakaimbak na bigas.
Ang mga may-ari at operator ng nasabing mga warehouse ay binigyan ng BOC ng hanggang Sept. 8 para magpakita ng dokumento sa kanilang rice importation.
Habang hindi napatutunayan na legal ang kanilang rice importation ay ipinasara muna ang mga warehouse. (DDC)