90-days preventive suspension sa driver’s license ng driver ng kotse sa viral road rage video, iniutos ng LTO
Nagpalabas ang Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng motorista na na nakuhanan ng video sa road rage incident sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang suspensyon na ipinataw sa driver’s license ni Wilfredo Gonzales ay epektibo habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa posibilidad ng permanenteng pagbawi ng lisensya nito.
Kasalukuyan aniyang iniimbestigahan ng LTO ang kaso at depende sa outcome ng imbestigasyon ay maaaring maglabas ng permanent revocation ang LTO at habang buhay ng hindi maiisyuhan ng driver’s license si Gonzales.
Ani Mendoza, bagaman malinaw naman ang hindi magandang asal ni Gonzales na nakita sa viral video, kailangan pa ring igalang ang karapatan nito bilang bahagi ng sistemang legal.
Ayon kay Mendoza, may kapangyarihan ang LTO na ipataw ang suspensyon sa ilalim ng Sec. 27 ng RA 4136 sa mga grave offenses tulad ng insidenteng kinasangkutan ni Gonzales.
Ang desisyon ng LTO ay naisumite na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista. (DDC)