Driver ng kotse sa viral na road rage incident sa QC sasampahan ng patong-patong na reklamo

Driver ng kotse sa viral na road rage incident sa QC sasampahan ng patong-patong na reklamo

Itutuloy ng abogadong si Atty. Raymond Fortun ang pagsasampa ng reklamo laban kay Wilfredo Gonzales, ang driver ng kotse na nakuhanan sa video na sinaktan at kinasahan ng baril ang isang biker sa Quezon City.

Ayon kay Fortun, dahil sa pangamba sa kaligtasan niya at ng kaniyang pamilya, nagpasya ang biker na huwag ng kasuhan si Gonzales sa kabila ng pananakit nito sa kaniya at paglalabas at pagkasa ng baril.

Sinabi ni Fortun na maging ang motorista na nag-upload ng video ay nakatanggap na din ng banta mula sa driver ng kotse na napag-alamang isa palang dating pulis.

Ayon kay Fortun, dahil hindi makikipag-cooperate ang biktima ay hindi maisusulong ang kasong kriminal laban kay Gonzales.

Gayunman, tiniyak ni Fortun na itutuloy niya ang pagsasama ng reklamo laban sa nasabing motorista.

Kabilang dito ang paghahain ng reklamo sa Land Transportation Office (LTO) para hilingin na masuspinde o mabawi ang kaniyang driver’s license dahil sa ipinakita nitong reckless manner na nagdulot ng banta sa buhay ng siklista.

Maghahain din ng reklamo si Fortun sa Firearms and License Office sa Camp Crame para hilingin na i-revoke ang lahat ng gun licenses na inisyu kay Gonzales.

Ayon kay Fortun, base sa impormasyon na kaniyang natanggap mula sa NBI, mayroon ding mga kaanak si Gonzales na pawang mga pulis.

Kung si Gonzales ay kunektado pa sa gobyerno, maghahain din si Fortun ng reklamong conduct unbecoming of a public official sa ilalim ng R.A. 6713.

Isusumite din ni Fortun sa Senado at sa Kamara ang kopya ng video ng road rage para sa posibleng pagkakaroon ng congressional investigation in aid of legislation.

Ani Fortun, dahil sa ginawang pananakot ng driver ng kotse sa biker at sa uploader ng video, inaasahan na niyang makararanas siya ng parehong pagbabanta.

Dahil dito humingi ng dasal sa publiko si Fortun para sa kaniya at kaniyang pamilya. (DDC)

 

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *