Driver kotse na sangkot sa road rage sa QC ipatatawag ng LTO; rehistradong may-ari ng sasakyan kailangan ding humarap sa ahensya
Ipatatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang may-ari ng kulay pulang kotse na minamaneho ng driver na nag-viiral matapos maglabas at magkasa ng baril sa isang nakaalitan niyang biker.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II,
ang nasabing driver ng kulay pulang sedan na sangkot sa insidente ng road rage ay hindi ang siyang rehistradong may-ari ng naturang sasakyan.
Batay sa ulat na isinumite sa kaniyang tanggapan ni LTO – National Capital Region Director Roque Verzosa, sinabi ni Mendoza na ang rehistradong may-ari ng KIA Rio na may plakang ULQ 802 ay iisyuhan ng Show Cause Order at ipatatawag sa LTO sa Agosto 31.
Ipinaliwanag ni Mendoza na may dalawang paglabag na lumalabas na may kinalaman sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code bilang resulta ng insidente sa pagitan ng driver ng KIA Rio at ng bicycle rider noong Agosto 8, una ay ang Section 20 o Improper Person to Operate a Vehicle at Section 48 o Reckless Driving.
Aniya, ang rehistradong may-ari ng sasakyan ay inatasan na magsumite ng notarized affidavit na nagpapaliwanag kung bakit hindi dapat mapatawan ng parusa kaugnay ng insidente.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso, ang KIA Rio na plakang ULQ 802 ay isinailalim na din sa alarma ng LTO.
Maliban sa may-ari ng sasakyan, ipatatawag din ng LTO ang driver na nakita sa video.
Sa isang press briefing, sinabi ng driver na nagpakilalang si Willie Gonzales, na nagkaayos na sila ng nakaalitang bike rider sa isang police station.
Pero ayon kay Mendoza, ang pag-aayos ng dalawa ay hindi nagpapawalang-bisa sa mga posibleng violation na nagawa ng motorista, lalo na at nakita sa video na sinaktan niya ang bike rider at kinasahan pa ng baril, at ang alegasyon na nagsimula ang komprontasyon ng pumasok ang minamanehong sasakyan ni Gonzales sa bicycle lane. (DDC)