Isa pang bagyo sa labas ng bansa lumakas pa; papasok sa PAR ngayong linggo ayon sa PAGASA
Lumakas pa at naging tropical storm ang bagyong binabantayan ng PAGASA sa labas ng bansa.
Ang bagyo na mayroong international name na “Haikui” ay huling namataan sa kayong 2,230 kilometers east ng Northern Luzon.
Ayon sa PAGASA, taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na aabot sa 65 kilometers bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 15 kilometers bawat oras.
Ayon sa PAGASA, sa kasalukuyang kilos ng bagyo ay patuloy itong lalapit ng bansa.
Posibleng sa Huwebes (Aug. 31) ay papasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Papangalanan itong “Hanna” sa sandaling pumasok na ng PAR.
Inaasahan ding lalakas pa ang bagyo sa susunod na limang araw habang nananatili ito sa karagatan.
Ayon sa PAGASA, nasa typhoon category na ang bagyo pagpasok nito ng bansa.
Bagaman hindi inaasahan magkakaroon ito ng direktang epekto sa bansa, palalakasin naman ng bagyo ang Habagat na maaaring magpaulan sa western portion ng Luzon at Visayas. (DDC)