Utos ng DepEd na dapat hands off muna ang Makati at Taguig sa mga paaralan sa Embo, sinuway umano ng Makati LGU
Sinuway umano ng Makati City ang kautusan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na dapat maging hands off muna ang Makati LGU sa mga paaralang sakop ng usapin sa teritoryo.
Ayon ito sa ilang guro mula sa mga paaralan na nagsabing tinangka ng Makati City LGU na ipasok ang mga school supplies sa Pitogo High School.
Ang nasabing school supplies ay pinadeliver umano sa pamamagitan ng courier service delivery ng Makati.
Ang tangkang pagpapasok ng school supplies ng Makati City ay tinanggihan ng mga guro dahil batid nila na dapat may utos muna mula sa DepEd.
Maliban dito, patuloy din ang paglalagay ng bagong tarpaulin sa mga Embo schools na nakasaad na “This Property is owned by Makati City”.
Una ng nagpalabas ng Memorandum ang DepEd na nag-uutos na ilagay sa direct authority ng kagawaran ang 14 na public schools na nasa Enlisted Men’s Barrio (EMBO) barangays.
Sa ilalim ng nasabing memorandum ang DepEd Central Office ang siyang may direct supervision sa management at administration habang hindi pa natatapos ang transition plan para sa paglilipat sa Taguig City ng mga EMBO schools.
Nakapaloob sa memo na habang nasa transition period, ang lahat ng kilos ng Makati at Taguig LGU ay dapat may pahintulot mula sa DepEd Office of the Secretary.
Sinabi ni DepEd Spokesman Michael Poa na kinikilala ng DepEd ang kautusan ng Korte Suprema na nagtatakda na ang EMBO schools ay nasa ilalim ng legal na hurisdiksyon ng Taguig City.
Una nang sinabi ni Makati City Mayor Abby Binay na dapat bilhin o rentahan ng Taguig ang mga school buildings kung nais nitong makumpleto ang paglilipat ng mga EMBO schools sa Taguig.
Kabilang sa reresolbahin ng Transition Committee ay kung sino ang magbabayad ng utilities at security ng mga paaralan gayundin ang iba pang gastusin subalit habang wala pang pinal na plano ay ang DEped ang syang aako muna ng operating expenses.
Una nang sinabi ng Taguig City na suportado nito ang hakbang ng DEped para sa smooth, orderly at peaceful transition para sa administrasyon ng mga paaaralan patungo sa kanilang lungsod.