Paghabol ni Makati Mayor Abby sa Korte Suprema para makuha BGC, nauwi sa pagkawala ng EMBO Barangays
Hindi dapat magmatigas bagkus ay dapat tanggapin ni Makati Mayor Abby Binay ang “unintended consequences” sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig lalo pa at ang Makati sa kanyang pamumuno mismo ang nag-akyat ng usapin sa Korte Suprema.
Ayon kay Atty. Darwin Canete, isang prosecutor at blogger, nang iakyat ng Makati City ang kaso sa SC at hingan ang mga mahistrado ng final determination sa isyu ay dapat batid nito na maaari silang matalo o manalo.
“Ngayong nagsalita na ang kataas taasang hukuman ay walang ibang opsyon si Binay bilang akalde ng Makati kundi ang magparaya sa nanalong partido, ang Taguig LGU” ani Canete.
Sinabi pa ni Canete na ang paghahabol sa revenue-rich na Bonifacio Global City(BGC) ay pinursige ng Makati Ctiy mula pa noong panahon ni Makati City Mayor Jejomar Binay , Junjun Binay at Abby Binay kaya dapat naging handa na ang lokal na pamahalaan sa magkakaroon ng pinal na desisyon sa kaso.
“lahat naman ng kaso may ending” giit ni Canete.
Nang hingan ng reaksyon sa naging takbo ng kaso ng territorial dispute sinabi ni Canete na kung sya ang tatanungin ay hindi na lamang sana hinabol ng Makati City ang pagmamay-ari ng BGC, sa ganitong paraan ay hindi naagaw sa kanila ang EMBO barangays na kilalang balwarte ng mga Binay.
“para sa akin ay malaking pagkakamali na inakyat pa ng Makati ang dispute case sa SC” ani Canete.
Ipinaliwanag ni Canete na sa una pa lamang na desisyon ng Pasig City Regional Trial Court ay makikita nang dehado ang Makati, sa iprinisinta kasing ebidensya ay mayroong pinanghahawakang titulo at presidential order ang Taguig.
Sa Transfer Certificate of Title (TCT) No. 1219 na may Survey Plan Psu-2031 na may petsang 1908 ang Fort McKinley ay nakahati sa 4 na parcels, ang Parcel 1 ay matatagpuan sa Pasay; Parcel 2 ay nasa Pasay at Parañaque; Parcel 3 ay nasa Taguig at Parcel 4 ay sa Taguig din, at noon pa man walang pagbanggit dito ng Makati.
Nang makuha na ng Pilipinas ang kasarinlan mula sa mga Amerikano ang Fort Mckinley ay ginawa nang Fort Bonifacio at sa ilalim ng Proclamation No 423 na ipinalabas ni dating President Carlos Garcia ay malinaw na ang military reservation ay nasa ilalim ng Taguig.
Kung titulo at presidential order ang hawak na ebidensya ng Taguig, ang iprinisinta naman ng Makati ay land survey na mula sa isang private contractor.
Isa pa sa nakasira umano sa Makati ay ang ginawa nitong forum shopping o paghahanap ng friendly tribunal para humawak ng kanilang kaso, ani Canete, sinita ng SC ang maling aksyon na ito ng Makati at pinatawang guilty sa contempt charge ang mga abogado at pinagmulta.
“Following the SC’s finding of forum shopping, the Court of Appeals, where the case at that time was pending, dismissed the case. If Makati just accepted the dismissal, status quo lang sana: BGC/Fort Bonifacio would remain with Taguig, while EMBO barangays would remain with Makati. But Mayor Abby insisted to bring again the matter to the SC and asked SC to decide the case not on what she called mere technicality but on the merits”ani Canete.
“Kung di ganoon kalakas ang ebidensya ang pinanghahawakan ng Makati naging mainam sana na hindi na ito pinursige sa Supreme Court na syang final arbiter, nagkaroon lang sana ng status quo sa dispute at yung EMBO barangays ay nasa Makati pa rin” dagdag pa nito.
Ngayong turnover na ang pinag-uusapan sa turf war sa pagitan ng dalawang malaking lungsod sinabi ni Canete na para na rin sa interes ng mga residente ay makita na ang kooperasyon ni Mayor Binay.
Sa obserbasyon ni Canete ay hindi naman tinututulan ng mga residente ang paglipat sa Taguig, inihalimbawa nito ang nakalipas na Brigada Eskuwela kung saan mainit ang naging pagtanggap ng mga guro, estudyante at magulang ng mga EMBO schools kay Taguig City Mayor Lani Cayetano.
“Mayor Lani has been an exemplary executive, wala kang maririnig na hindi sya marunong magpatakbo. Walang bahid and EMBO residents are assured of clean governance” pagtatapos pa ni Canete.