880 pang PDLs pinalaya ng BuCor
Pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nasa 880 pang persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang prison and penal farms sa bansa ngayong Huwebes, Agosto 24.
Pinangunahan nina Department of Justice (DOJ) Undersecretary Deo Marco, kinatawan ni DOJ Secretary Crispin Remulla at BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang simpleng seremonya ng paglaya ng PDLs sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa kabuuang bilang ng lumayang PDLs,196 rito ang nakakuha ng parole, 209 ang pinawalang sala ng korte, 27 ang may expiration of maximum sentence (EMS), 414 ang nakatapos ng kanilang sentensiya na mayroong good conduct time allowance (GCTA), 1 ang napagkalooban ng EMS na may kasamang GCTA- Department Order 652, 38 ang nabigyan ng probation, 1 ang may probation with provision to be released on recognizance at 4 naman ang nasa ilalim ng cash bond.
Ang mga lumayang PDLs ay mula sa New Bilibid Prison maximum security compound (185), NBP medium security compound (151), NBP minimum security compound (25), NBP reception and diagnostic center (13), Philippine Military Academy (5), Leyte Regional Prison (101), San Ramon Prison and Penal Farm (58), Sablayan Prison and Penal Farm (25), Iwahig Prison and Penal Farm (29), Correctional Institution for Women (92), at Davao Prison and Penal Farm (196).
Kabilang sa mga tinanggap ng mga lumayang PDLs mula sa BuCor ay ang certificate of discharge from prison,grooming kit, gratuity at transportation allowance.
Ayon kay Catapang, bakas sa mukha ang ngiti at saya ng mga lumayang PDLs dahil sa naipagkaloob na bagong mga oportunidad na makapagsimulang muli ng kanilang buhay at makasama na ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Kasabay nito nagbabala si Catapang sa mga PDL sa mga piitan ng BuCor na huwag tumakas.
“Huwag kayong tatakas kasi hahanapin namin kayo at sigurado na makikita at makikita rin namin kayo,” sabi ng BuCor chief.
Samantala hinikayat naman ni Usec. Marco ang mga lalayang PDLs na magsilbing modelo na kung saan kayang gawing mas maayos ang kanilang mga buhay at natuto na sa mga aral sa loob ng NBP.
Dumalo rin sa culminating activity sina Justice Assistant Secretaries Mico Clavano , Francis John Tejano, Atty. Persida- Rueda Acosta, chief of the Public Attorney’s Office, at BuCor Deputy Dir. Gen. For Operations, Gil Torralba. (Bhelle Gamboa)