LTO magpapakalat ng tauhan sa kasagsagan ng mga aktibidad para sa FIBA World Cup
Magde-deploy ng mga tauhan ang Land Transportation Office (LTO) sa kasagsagan ng pagho-host ng Pilipinas sa FIBA World Cup.
Ito ay kasunod ng utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, na pagbibigay ng suporta ng mga ahensya sa nasabing aktibidad.
Ayon kay (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II itatalaga ang kanilang mga tauhan sa mga kalsada na mula at patungo sa tatlong main venues partikular sa Araneta Coliseum sa Quezon City, Mall of Asia sa Pasay City, at sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ani Mendoza, kabilang ang LTO sa magtitiyak ng maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa mga daan patungo sa mga magiging venue ng international event.
Samantala, sinabi ni LTO Law Enforcement Service (LES) Director Francis Almora, kanilang ide-deploy ang mga patrol vehicles, motorcycle patrols at 41 law enforcers.
Bukas, Aug. 25 ang opening ceremony ng FIBA sa Philippine Arena.
Ang buong event ay tatagal hanggang Sept. 10. (DDC)