Chinese Vessels muling tinangkang harangin ang rotation and resupply mission ng AFP sa Ayungin Shoal
Nag-deploy ang Philippine Coast Guard ng dalawang 44-meter Multi-Role Response Vessels (MRRV) para suportahan ang Rotation and Resupply (RoRe) mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Ayungin Shoal.
Nagsilbing escort ang mga barko ng PCG na BRP Cabra at BRP Sindangan sa mga indigenous boat na ginamit ng AFP bilang supply vessels para maghatid ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, nagtagumpay ang supply mission sa kabila ng pagtatangka ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Chinese Maritime Militia (CMM) boats na harangin at i-harass ang mga supply vessel.
Ayon kay Tarriela, ligtas na naisagawa ang paghahatid ng suplay sa mga sundalo sa Ayungin Shoal.
Tiniyak ni PCG Commandant, Admiral Artemio Abu, ang patuloy nitong pagsuporta sa AFP sa paggigiit ng soberanya ng bansa sa West Philippine Sea.
Ayon sa PCG, patuloy nitong gagampanan ang obligasyon sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), 2016 Arbitral Ruling, COLREGS at iba pang international instruments sa usapin ng maritime safety and security. (DDC)