Pagpapagamit ng EDSA bike lane sa mga motorcycle rider pag-aaralan ng MMDA
Pinag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibilidad na magpatupad ng road sharing sa bike lane sa kahabaan ng EDSA.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, nagsasagawa ngayon ng preliminary study ang ahensya para malaman kung maaaring ang linya para sa mga bisikleta ay maipagamit din sa mga motorsiklo.
Sinabi ni Artes na “underutilized” kasi o hindi masyadong nagagamit ng mga bisikleta ang EDSA bike lane.
Sa Aug. 29 magpapatawag ang MMDA ng stakeholders meeting kung saan inaasahan ang pagdalo ng grupo ng mga siklista at grupo ng motorcycle riders.
Isa sa mga hamon na tinitignan ng MMDA sa nasabing plano ay ang napakaraming bilang ng motorsiklong dumaraan sa EDSA.
Sa pinakahuling datos ng MMDA Traffic Engineering Center, noong July 17, nasa 165,000 na motorsiklo ang bumabaybay sa EDSA kada araw.
Anumang mabuong rekomendasyon ng MMDA ay isusumite sa Department of Transportation (DOTr) na siya namang pinal na magpapasya sa usapin. (DDC)