Kaso ng leptospirosis at dengue, tumaas noong nakaraang buwan
Nakapagtala ng pagtaas sa kaso ng leptospirosis at dengue ang Department of Health (DOH) noong nakaraang buwan ng Hulyo.
Ayon sa datos ng DOH, simula Hulyo 16 hanggang Hulyo 29, mayroong 199 na bagong kaso ng leptospirosis sa bansa o 18 percent na mataas kumpara sa 170 cases na naitala dalawang linggo ang nakararaan.
Ayon pa sa datos ng DOH, nakapagtala ng patuloy na pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa Ilocos Region at Central Luzon.
Tumaas din ang kaso ng nasabing sakit sa iba pang rehiyon sa bansa gaya ng NCR, Calabarzon, Mimaropa, Central Visayas, at BARMM.
Simula noong Jan. 1 hanggang July 29, sinabi ng DOH na umabot na sa 2,335 ang naitalang kaso ng leptospirosis sa bansa.
Samantala, tumaas din ang kaso ng dengue sa bansa mula July 2 hanggang July 15.
Ayon sa DOH sa nasabing petsa ay nakapagtala ng 9,877 dengue cases, mataas ng bahagya sa 9,782 cases dalawang linggo ang nakararaan.
Ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, at East Visayas ay pawang nakapagtala pagtaas ng kaso. (DDC)