DTI, DFA hinikayat na maglabas ng listahan ng mga rehistradong school supplies
Hinikayat ng isang toxic watchdog group ang Department of Trade and Industry (DTO) at Food and Drug Administration (FDA) na maglabas ng listahan ng mga rehistrado at notified brands ng school supplies para magamit bilang gabay ng mga magulang na namimili ng mga gamit bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.
Ginawa ng grupong BAN Toxics ang panawagan matapos ang kanilang market monitoring sa mga ibinebentang school supplies sa Divisoria sa Maynila at Baclaran sa Pasay City.
Bumili ang grupo ng sample ng art coloring school supplies gaya ng regular 8 colors aT jumbo crayons 8 colors, oil pastel fantastic color at watercolor na ang presyo ay nasa P20 hanggang P80.
Ayon sa BAN Toxics, karamihan sa mga school supplies ay gawa sa China at Pilipinas at hindi sapat o kaya naman ay walang product information gaya ng manufacturer at distributor’s name, address, ingredients, cautionary statements, warning signs, at license-to-operate o LTO number.
Batay sa Gabay sa Pamimili ng School Supplies ng DTI pinayuhan ang mga consumer na sa kanilang pamimili ng crayons ay tignan ang brand name o trademark, bilang ng crayons sa box; name at address ng manufacturer o distributor; dapat mayroong nakasulat na “non-toxic” na indikasyon na ang produkto ay sumailalim sa product standard at pumasa sa pinapayagang “toxicity level” na itinakda ng FDA at sa bansang pinagmulan ng produkto.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, napakahalaga ng product labels sa consumers para mabigyan sila ng impormasyon at makatiyak sila na ligtas ang kanilang binibiling produkto mula sa nakalalasong kemikal.
Kamakailan nagsagawa ang DTI at FDA ng on-the-spot inspection sa Divisoria at ang nasabing hakbang ay pinapurihan ng BAN Toxics.
“We laud the DTI and FDA in conducting on-site monitoring effort, the visibility of regulatory agencies and local authorities are vital in times like this, to ensure the quality and safety standards of school supplies,” ayon kay Dizon. (DDC)