Flight operations sa Cotabato City naibalik na; repair sa runway magpapatuloy pa din
Naibalik na ang flight operations sa Cotabato Airport sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao matapos ang isinagawang critical runway repair works sa paliparan.
Ayon sa abiso ng Department of Transportation (DOTr) simula noong Sabado, August 19 ay nagbalik ang flight operations sa paliparan.
Una ng nagpalabas ng Notice to Airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong June 21 at ipinagbawal muna ang pag-take off at paglapag sa Runway 28 ng paliparan para mas mapabilis ang ang repair works.
Naglaan ng P340.55 million na pondo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa Asphalt Overlay na isinagawa sa Cotabato Airport runway.
Bagaman pinabalik na ang flight operations sa paliparan, hindi pa 100 percent na kumpleto ang repair.
Ayon sa DOTr, ang flight operations sa Cotabato Airport ay 7:00 hanggang 11:59 lamang ng umaga kada araw.
Ang nalalabing mga oras ay gagamitin para matapos ang pagsasaayos sa runway.
Sa sandaling makumpleto ang repair ay saka lamang babalik ang normal airport operating hours. (DDC)