Nawawalang PDL ng NBP, naaresto sa Rizal
Naaresto kahapon ng otoridad sa Angono Rizal ang nawawalang person deprived of liberty (PDL) ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong nakaraang buwan ng Hulyo.
Hindi na nagawang pumalag pa ng PDL na kinilalang si Michael Angelo Cataroja nang arestuhin siya ng mga operatiba ng Angono Police sa isang bahay sa Sitio Mangahan, Barangay San Isidro, Angono Rizal bago mag-alas 5:00 ng hapon nitong Agosto 17.
Ayon sa pahayag ng ina ni Cataroja na umuwi umano ang anak na PDL sa bahay ng kanyang pinsan nitong gabi ng Miyerkules, Agosto 16.
Sobrang pagod at gutom umano ni Cataroja nang dumating na agad nakatulog sa bahay ng kanyang pinsan.
Sa tulong ng intelehensiya ng Angono Police, nakakuha sila ng impormasyon na ang napaulat na nawawalang PDL ng Bureau of Corrections ay nasa Sitio Mangahan.
Kaagad na pinuntahan ng otoridad ang bahay na pinagtataguan ni Cataroja na nagresulta ng kanyang pagkakadakip.
Sa imbestigasyon ng Angono Police, sinabi umano ni Cataroja na madali lamang siyang nakalabas sa NBP compound.
Nakisabay umano siya sa mga dalaw sa paglabas ng compound at casual na naglakad palabas ng hindi nahahalata.
Dinala si Cataroja sa Angono Police Station para sa beripikasyon at koordinasyon ng Philippine National Police sa BuCor. (Bhelle Gamboa)