Tren ng MRT-3 sapat ang bilang para sa dumaraming pasahero
Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na may sapat na bilang ng mga tren para ma-accommodate ang tumataas na bilang ng mga pasahero ng MRT-3.
Pahayag ito ni Transportation Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino bunsod ng naitalang pagtaas ng bilang ng pasahero ng rail line.
Una ng inanunsyo ng MRT-3 na umabot sa 436,388 ang bilang ng mga pasaherong naserbisyuhan ng MRT-3 noong Agosto 16.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng mga pasaherong sumakay ng linya mula noong Hunyo 2020.
Samantala, umaabot naman sa 422,000 ang daily average ridership ng MRT-3.
Ang MRT-3 ay mayroong 18 train sets na tumatakbo sa mainline sa peak hours at 15 train sets sa off-peak hours.
Mayroon pang tatlo hanggang apat na spare trains ang maaari pang patakbuhin kung kakailanganin. (DDC)