EMBO students, teachers at parents nakiisa sa Brigada Eskuwela ng Taguig; Mayor Lani nakatanggap ng cheer sa mga estudyante
Walang nakikitang problema ang mga school principal ng 14 na Enlisted Men’s Barrio (EMBO) schools na ngayon ay nasa hurisdiksyon ng Taguig City sa pagbubukas ng 2023-2024 school year sa Agosto 29.
Kasunod ito ng naging maayos na paglulunsad ng Brigada Eskuwela kung saan nakiisa ang mga estudyante, guro, mga magulang, alumni at iba pang external stakeholders.
Ayon kina Makati Science High School Principal Dr. Felix Bunagan at West Rembo Elementary School Principal Alma Adona naging matagumpay ang paglulunsad ng Brigada Eskwela sa kanilang paaralan sa tulong na rin ni Taguig City Mayor Lani Cayetano.
Nagpaabot ng pasasalamat ang dalawang school principal kay Mayor Lani at sa Taguig volunteers sa naging suporta sa Brigada Eskwela na sinimulan noong Agosto 14 at magtatapos sa Agosto 19.
“The event brought together students, parents, and volunteers for a week-long cleaning campaign that strived to unite the entire Makati Science community in maintaining the school premises. Amid unexpected transitions within the school, adaptability emerged as a key factor for success. Despite the myriad of challenges volunteers and organizers alike encountered, the school community’s unwavering commitment to higher education continues to remain steadfast. There are concerns, but we are still an educational institution, and that comes first,” nakasaad sa Official Facebook page ng Makati Science High School.
Naging mainit din ang pagtanggap ng sumusunod na mga paaralan kay Mayor Lani at sa mga volunteers ng Taguig:
– Comembo Elementary School
– Rizal Elementary School
– Pembo Elementary School
– Benigno “Ninoy” S. Aquino High School
– Tibagan High School
– Fort Bonifacio Elementary School
– Fort Bonifacio High School
– Pitogo Elementary School
– Pitogo High School
– Cembo Elementary School
– East Rembo Elementary School
– West Rembo Elementary School
– South Cembo Elementary School
Sa Tibagan High School ay nag-viral ang video na nagpapakita ng mainit na pagtaggap ng mga estudyante kay Mayor Lani na sinabayan pa ng ng malakas na cheer ng mga estudyante.
Sinabi ni Taguig-Pateros School’s Superintendent Dr. Cynthia Ayles na ang lahat ng 14 na school officials ay may maayos na koordinasyon sa Taguig LGU noon pang buwan ng Hulyo kaya walang dapat na ipangamba sa pagbubukas ng klase dahil makaaasa na magiging maayos ito kasabay ng pakiusap na maging bukas ang isipan ng lahat sa transition na pinal nang ipinag-utos ng Korte Suprema upang maiwasan na ang tensyon at kalituhan.
Nilinaw ng mga school principal na hangad din ng mga magulang ang maayos na transition patungo sa Taguig LGU, sa katunayan sa isinagawang General Parents Teachers Association Dialogue ay nakita ng mga magulang ang intensyon ng Taguig LGU na maibigay ang maayos na serbisyo at benepisyo kaya nakiisa din ang mga ito sa inilunsad na Brigada Eskwela.
Napawi na umano ang alalahanin ng mga magulang nang igarantiya ni Mayor Lani sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Brigada Eskwela ang dekalidad na serbisyo at tulong sa pag aaral ng may 30,000 estudyante ng 14 EMBO schools kung saan inihahanda na ang paunang school kits at toiletries para sa mga estudyante.
“Ang mga programa na nakita naming mahusay na naipatupad sa Taguig ay buong buo na makukuha ng EMBO residents na ngayon ay Taguig residents. Just trust the transition, trust the school leadership and my leadership in Taguig, bigyan lang po natin ng tiyansa,” nauna nang pahayag ni Mayor Lani.
Sa Taguig City, hindi lamang libreng school supplies, uniforms at sapatos ang inilalaan sa mga estudyante kundi maging scholarships para sa lahat.
Mayroon itong ibinibigay na scholarship na P15,000 hanggang P110,000 para sa mga kumukuha ng vocational, 2-year o 4- year courses; kumukuha ng master’s at doctorate degrees at maging mga nagrerebyu sa board at bar exams.
Aminado ang Taguig LGU na hindi pa naibibigay ang school uniform at school supplies bunsod na rin ng delay sa panig ng Makati City na maiturn-over ang listahan ng mga student-beneficiaries.
Maliban sa listahan ng mga EMBO students ay humihingi din ang Taguig LGU kay Mayor Abby Binay ng listahan ng mga Senior Citizens at Persons with Disabilities upang masimulan na nila ang pagbibigay ng door to door birthday cash gifts; listahan ng mga residente na may asthma, hypertension at diabetes para sa house to house delivery ng kanilang maintenance medicines; listahan ng mga residente na bedridden upang personal na mabisita ng health personnel para kanilang home care at listahan ng taxpayers para makakuha ng lower tax rates; listahan ng mga kalsada sa EMBO upang ang mga motorista ay makakuha ng No Number Coding policy gaya sa Taguig. (DDC)