Mahigit 370,000 kukuha ng Civil Service Exams sa Aug. 20; pagsusuot ng face mask, optional na lang ayon sa CSC
Hindi na mandatory ang pagsusuot ng face mask para sa idaraos na Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa Linggo, Aug. 20.
Sa inilabas na abiso ng Civil Service Commission (CSC), optional na lamang ang pagsusuot ng face mask sa mga lugar na pagdarausan ng exams.
Gayunman, hinihikayat ng CSC ang mga may comorbidities, buntis, at mga hindi bakunadong indibidwal na magsuot pa din ng face mask.
Paalala ng CSC sa mga kukuha ng pagsusulit, dumating sa testing venue ng 6:30 ng umaga.
Isasara ang gate ng testing venues eksakto 7:45 ng umaga.
Paiiralin ang “No ID, No Exam” policy kaya dapat magdala ng valid ID ang mga kukuha ng pagsusulit.
Ayon sa datos ng CSC kabuuang 373,636 ang inaasahang kukuha ng exams, kung saan 328,772 dito ay Professional level habang 44,864 naman ang Subprofessional level. (DDC)