Pagbibigay ng akreditasyon sa volunteer fire brigades pinahihigpitan ni Abalos
Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Fire Protection (BFP) na maging mahigpit sa pagbibigay ng akreditasyon sa mga volunteer fire brigades.
Ang utos ni DILG Sec. Benhur Abalos ay kasunod ng pagkasawi ng isang 62-anyos na ginang at pagkasugat ng 8 iba pa matapos masagasaan ng rerespondeng truck ng bumbero sa Tondo, Maynila kamakailan.
Ayon kay Abalos, dapat mahigpit na ipatupad ng BFP ang rules at guidelines para sa accreditation ng mga fire volunteer.
Kailangan ding i-require ang mga volunteer fire brigade na magpatupad ng qualification standards sa kanilang mga bumbero at fire truck drivers.
Partikular na pinatitiyak ni Abalos ay dapat walang rekord ng reckless driving, aksidente at paggamit ng ilegal na droga ang fire truck driver.
Mas mainam din aniya kung sasailalim sa seminar at exams kaugnay sa emergency driving.
Ang mga volunteer fire truck driver ay dapat ding isailalim sa drug test at neuropsychiatric exams para masigurong sila ay fit na magmaneho ng fire truck. (DDC)