Kamara binigyang-pagkilala ang church choral group na itinanghal bilang ‘Choir of the World’
Pinagtibay ng Kamara de Representantes ang isang resolusyon na kumikilala sa church choral group na Kammercor Manila matapos masungkit ang 2023 Choir of the World title sa Llangollen International Musical Eisteddfod.
Sa House Resolution (HR) No. 1191, kinilala ng 312 kinatawan ng Mababang Kapulungan ang tagumpay na naabot ng chorale group.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, isa sa may akda ng resolusyon, ipinakita ng choral group sa buong mundo ang angking galing ng mga Pilipino sa pag-awit at creative arts.
“Kahit hindi na ito nakakagulat, lagi ko pa ring ikinatutuwa na malaman ang ganitong tagumpay ng ating mga kababayan sa larangan ng pagkanta. Filipino talent speaks for itself though awards like these,” ani Speaker Romualdez.
Ang Kammerchor Manila ang itinanghal na 2023 Choir of the World sa Llangollen International Musical Eisteddfod na ginanap sa Wales, United Kingdom noong Hulyo 8.
Ayon sa resolusyon, nanalo din ang choral group ng dalawang award sa patimpalak sa United Kingdom – European Tour 2023. Ito ang Absolute Winner finish sa ika-69 Certamen Internacional de Habaneras y Polifonia, at 3rd Prize-Grand Prix in the 60th Seghizzi International Choral Singing Competition.
Ang nakamit ng Kammerchor Manila ay patunay ng angking galing ng mga Pilipino na nagdadala ng karangalan sa bansa, nagbibigay kasiyahan sa mga kapwa Filipino, pagkakaisa sa pamamagitan ng musika at pagpapanatili ng legasiya ng mga Pilipino sa pandaigdigang tanghalan.
Ang Kammerchor Manila ay isang non-profit choral organization at isa sa premyadong church choirs sa bansa. Itinatag ito ng award-winning musician at professor Fidel Calalang Jr. noong 1992 sa Quezon City.
“A three-time recipient of the ‘Ani ng Dangal Award’ in 2016, 2019, and 2022 from the Philippine National Commission for Culture and the Arts, the choir continues to build upon its legacy of success at international choral competitions, and delivers performances that span a diverse range of musical genres, from madrigals to contemporary music, and from sacred to pop music which, coupled with their commitment to excellence in music, friendship, and service to God, has inspired many other choirs and elevated the level of choral music,” bahagi ng resolusyon.