Pasok sa public schools at government office sa Metro Manila at Bulacan, suspendido sa Aug. 25 para sa FIBA World Cup opening
Sinuspinde ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang klase sa mga pampublikong paaralan at pasok sa gobyerno sa Metro Manila at Bulacan sa susunod na Biyernes, August 25.
Ito ay kaugnay ng pagbubukas ng FIBA Basketball World Cup.
Sa Memorandum Circular No. 27 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ito ay bilang pagbibigay suporta din sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa matagumpay at maayos na opening ceremony ng FIBA World Cup.
Ang opening ceremony ay gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa nasabing petsa.
Tanging mga pampublikong paaralan lamang at government offices sa Metro Manila at Bulacan ang sakop ng suspensyon.
Hindi naman kasali sa suspensyon ang mga ahensya ng gobyerno na ang serbisyo ay may kaugnayan sa basic at health services at disaster preparedness and response.
Ang pagpapasya ng suspensyon ng klase sa pribadong mga paaralan at pasok sa mga private company ay ipinaubaya ng Malakanyang sa kani-kanilang pamunuan. (DDC)