Taguig sinimulan na ang Brigada Eskwela sa EMBO schools sa ilalim ng kanyang pangangalaga

Taguig sinimulan na ang Brigada Eskwela sa EMBO schools sa ilalim ng kanyang pangangalaga

Mainit na pagtanggap ang nakuha ni Taguig Mayor Lani Cayetano sa pormal na pagsisimula ng Brigada Eskwela sa mga paaralan mula sa EMBO barangays.

Nagpakita ng pagkakaisa at diwa ng komunidad ang lokal na pamahalaan kasama ang mga opisyal ng Department of Education, school principals,mga guro,estudyante,magulang at volunteers upang simulan ang nasabing programa.

Inumpisahan ang inisyatibo sa Brigada Eskwela sa Makati Science High School sa pakikipagtulungan ng Taguig City Police Station, National Capital Region Police Office, Southern Police District, Bureau of Fire Protection, at kinatawan mula sa iba’t ibang grupo at organisasyon sa EMBO barangays.

Binigyang importansiya ni Mayor Lani Cayetano, kilalang tagapagtaguyod ng adbokasiya sa edukasyon at pagpapaunlad ng komunidad, ang kahalagahan ng pagkakaisa at mga mabubuting nilalayon ng Brigada Eskwela.

“Ang layunin ng lokal na pamahalaan ay ang ipahayag ang aming kahandaan na tulungan ang DepEd TAPAT upang matagumpay na maidaos ang isang linggong pag-bi-brigada. Ang Brigada Eskwela po ay isang national initiative na pinangungunahan ng Department of Education na may layuning hikayatin ang lahat upang makiisa at maihanda ang mga eskwelahang pampubliko para sa pagbubukas ng paaralan. Sa ganitong paraan ay madadatnan ng mga estudyante na malinis, maayos at kumportable ang mga ito para sa kanila,” sabi ng alkalde.

Sinabi pa ni Mayor Lani na gagampanan ng Taguig LGU ang pagbibigay suporta sa mga paaralan sa EMBO sa kanilang pagbubukas ng klase ngayong taon.

Umapela si Cayetano sa mga opisyal at miyembro ng General Parents Teachers Association ng pang-unawa at pagsensiya dahil nakalatag na ang transition at nangako ng malapit na pagtutulungan sa mga school heads at division officials upang tugunan ang agarang concerns o karaingan ng mga guro at estudyante.

“Marubdob at masigasig akong makikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Department of Education upang masiguro ko na sa pagbubukas ng school year iyong mga pangamba po ninyo, yung mga agam-agam po ninyo, yung mga katanungan po ninyo, unti unting masasagot, malilinawan, at matutugunan,” pahayag ni Mayor Cayetano.

Aniya naihanda na ng Taguig Government ang mga school kits na nakatakdang ipamahagi sa mga mag-aaral.

Pinasalamatan din niya ang PNP para sa hindi nito pagkunsinti sa aksiyon ng barangay captain na nag-utos sa kanyang kababayan na harangan ang mga kalsada patungo sa mga paaralan, at sa mabilis na pag-utos na alisin ang mga barikada para hindi maantala ang importanteng kaganapan.

Nagpasalamat naman si Makati Science High School principal Dr. Felix T. Bunagan kay Mayor Lani, sa Lungsod ng Taguig at sa lahat ng volunteers, para sa kanilang suporta sa Brigada Eskwela.

“Alam po natin, hindi lamang sa principal nakasalalay ang pagbubukas ng klase. Hindi lamang po sa (Schools Division Superintendent) nakasalalay ang pagbubukas ng klase. But rather ang pagbubukas po ng klase ay nakasalalay sa lahat ng stakeholders ng eskwelahan. Kaya po ako’y natutuwa at nakikita natin iyong taos-pusong volunteerism ninyo ngayon. Ang inyong presensiya ay nagpapatunay na lahat tayo ay sama-sama,” ani Dr. Bunagan.

Dumalo rin sa seremonya si Taguig-Pateros School’s Division Superintendent Dr. Cynthia Ayles at sinabing magsisilbjng tulong ang Brigada Eskwela sa adhikain ng DepEd sa pagsasaayos ng komunidad para maging aktibo ang mga estudyante at matutunan nila ang kabayanihan para sa ating bansa.

Partikular na sinalihan ng volunteers ang paglilinis,pagkukumpuni at pagsasaayos ng mga pasilidad sa paaralan at nagsagawa rin ng talakayan ukol sa Positive Discipline and Family Values, Drug Abuse Prevention & Control, Learners’ Rights, at Mental Health bilang bahagi sa Brigada.

Matapos bisitahin ang Makati Science High School, pinuntahan ni Mayor Lani ang Fort Bonifacio High School at Fort Bonifacio Elementary School kung saan bukas-palad na winelcome siya ng mga principals, guro, estudyante, magulang at volunteers mula sa komunidad.

Inikot ng volunteers ang iba pang EMBO schools na inilipat sa pangangalaga ng Taguig alinsunod sa desisyon ng Supreme Court patungkol sa iringan sa teritoryo ng Taguig sa Makati.

Nagpahayag ng kanilang pasasalamat ang mga opisyal ng Comembo Elementary School, Rizal Elementary School, Pembo Elementary School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio Elementary School, Fort Bonifacio High School, Pitogo Elementary School, Pitogo High School, Cembo Elementary School, East Rembo Elementary School, West Rembo Elementary School at South Cembo Elementary School sa suporta ni Taguig Mayor Lani sa Brigada Eskwela 2023.

Lahat ng opisyal ng paaralan ay nakipag-usap kay Mayor Lani at sa ibang city officials para sa plano at sabay-sabay na pagpapatupad ng kanilang hakbang sa unang araw ng Brigada Eskwela at sa pagbubukas ng klase.Nangako ang mga ito na magtutulungan sa isa’t isa at matuto ng pinakamagagandang gawain para sa kapakinabangan ng mga estudyante, magulang, guro at kawani. (Bhelle Gamboa)

 

 

 

 

 

newsflashph

newsflashph

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *