“Matatag Curriculum” suportado ni Pangulong Marcos
Inaasahang mas bubuti ang ipinatutupad na school curriculum sa bansa sa paglulunsad ng “MATATAG Curriculum” ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinusubukan ng pamahalaan na ayusin ang curriculum para maging mas bagay sa pangangailangan ng mga batang Pilipino.
Sa ilalim ng MATATAG Program, layon aniyang pagandahin ang international score ng bansa lalo na sa STEM subjects o ang Science, Technology, Engineering, at Mathematics.
Samantala, sinabi naman ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ang MATATAG Curriculum ay legasiya ng Marcos administration sa basic education ng bansa.
Inaasahan aniya na matutugunan nito ang mga problema na tinukoy ng international at local education experts sa K-10 Program.
Binanggit ni Duterte na sa ilalim ng MATATAG Program, ang dating pitong subjects sa Grade 1 hanggang 3, ay ibinaba sa limang subjects na lang kung saan sesentrohan ang Math at Reading. (DDC)