Mga Pinoy sa Hawaii pinag-iingat bunsod ng nararanasang wildfires
Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga Pinoy sa Hawaii dahil sa nararanasang wildfire.
Sa pahayag ng Philippine Consulate General in Honolulu, tiniyak ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga otoridad sa nangyayaring wildfires sa Big Island sa Maui.
Sinabi ng konsulada na wala pa namang napaulat na mayroong Pinoy na naapektuhan ng insidente.
Una ng nagpalabas ng abiso ang konsulada sa social media pages nito at hinikayat ang mga Filipino nationals na makipag-ugnayan sa Consulate General kung kailangan nila ng tulong.
Ang mga Pinoy na mangangailangan ng tulong para ma-locate ang nawawalang kaanak ay maaring tumawag sa American Red Cross sa telepono na 1-800-733-2767.
Maaari ding bisitahin ang redcross.org/safeandwell
Para sa mga apektado ng wildfire na mangangailangan ng agarang tulong, hindi na kailangan pang magpa-appointment sa Philippine Consulate Office.
Ang mga miyembro ng Filipino community sa mga lugar na apektado ng wildfires sa Maui at sa Big Island ay maaaring Philippine Consulate sa pamamagitan ng 24/7 emergency hotline na (808) 253-9446 para sa tulong. (DDC)