Dating military comptroller retired MGen Garcia laya na sa NBP
Lumaya na sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si dating military comptroller, retired Major General Carlos Garcia matapos nitong mapagsilbihan ang kanyang buong sentensiya sa kulungan.
Agad na inutos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang ang pagpapalaya kay Garcia matapos aprubahan ni Department of Justice Secretary Crispin Remulla ang release order ng dating opisyal ng militar na natapos ang pagsisilbi sa kanyang buong hatol kasama na rito ang 3,288 GCTA sa ilalim ng RA 10592 o ang batas nagkakaloob ng good conduct time allowance (GCTA) para sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
Si Garcia ay sinentensiyahan ng Sandigan Bayan Second Division para sa apat hanggang walong taon pagkakulong dahil sa direct bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code; at apat hanggang anim na taon na pagkabilanggo sa kasong money laundering sa ilalim ng Section 4 (b) ng Republic Act 9160 (Anti-Money Laundering Law).
Hinatulan din si Garcia ng isang taon at walong buwan hanggang dalawang taon at apat na buwan dahil sa kasong perjury ng anti-graft’s court at dalawang taon naman para sa paglabag sa 96th at 97th Article of War na ipinataw ng General Court Marcial ng Armed Forces of the Philippines.
Base sa record, si Garcia ay sinentensiyahan ng definite prison term na 18 na taon at apat na buwan kung saan lumagpas pa ang kanyang pananatili sa kulungan bago siya nabigyan ng GCTA sa ginawang komputasyon batay sa Republic Act No. 10592.
Lumitaw din sa record na dumating si Garcia sa NBP noong Setyembre 16, 2011 ngunit nagsimula ang pagkakapiit niya noong Hunyo 2005, kung saan napagsilbihan na ang 17 na taon, limang buwan at walong araw sa kulungan.
Sinabi ni Catapang na wala ng legal na basehan para manatili pa sa kulungan sa NBP si Garcia dahil napagsilbihan na nito ang kanyang kabuuang sentensiya. (Bhelle Gamboa)