Taguig ‘all set’ na sa Brigada Eskwela at pagbubukas ng klase sa 14 EMBO public schools
Handa na para sa Brigada Eskwela at pagbubukas ng klase sa 14 na pampublikong paaralan ng EMBO na inilipat mula sa Department of Education-Division ng Makati City patungong Division ng Taguig- Pateros alinsunod sa desisyon ng Supreme Court na pumabor sa Taguig City kaugnay sa gusot ng teritoryo ng dalawang lungsod.
Nagpulong ang mga opisyal ng Taguig City, DepEd Division ng Taguig-Pateros Superintendent at mga principal ng mga eskwelahan ng EMBO upang planuhin at sabay-sabay ang kanilang hakbang para sa maayos na pagsisimula ng mga inisyatibong pang-edukasyon.
Kabilang sa 14 public schools sa EMBO ay ang mga sumusunod:
– Makati Science High School
– Comembo Elementary School
– Rizal Elementary School
– Pembo Elementary School
– Benigno “Ninoy” S. Aquino High School
– Tibagan High School
– Fort Bonifacio Elementary School
– Fort Bonifacio High School
– Pitogo Elementary School
– Pitogo High School
– Cembo Elementary School
– East Rembo Elementary School
– West Rembo Elementary School; at
– South Cembo Elementary School
Ang mga nabanggit na paaralan ay nasa pamamahala at superbisyon ngayon ng Division of Taguig-Pateros sa bisa ng DepEd-National Capital Region Memorandum Order No. 2023-735 na pirmado ni DepEd Regional Director Wilfredo Cabral, na inisyu sa petsang Agosto 4, 2023.
Ang Memorandum Order ay nag-aatas ng direkta sa kinauukulang divisions na “makipag-ugnayan sa kanilang nakasasakop na LGU counterparts para sa maayos at wastong transition at turn-over ng pamamahala at superbisyon ng mga tinukoy na paaralan at personnel.”
Sa naturang pulong,ang mga school principals, DepEd Taguig-Pateros Superintendent Dr. Cynthia Ayles, Taguig Mayor Lani Cayetano at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay nagtulungan at nagkasundo para sa kapakinabangan ng mga estudyante,magulang,guro at kawani.
Noong Hunyo 2023, tinanggihan ng SC ang omnibus motion ng Makati City government na humihirit sa nasabing korte sa paghahain ng ikalawang motion for reconsideration kaugnay sa iringan sa teritoryo sa Taguig City. Sinabi ng SC na ang ikalawang motion for reconsideration ng Makati ay ipinagbabawal na pag-apela.
Setyembre 2022 nang ibasura ng Mataas na Korte ang unang motion for reconsideration ng Makati na umatake sa SC 2021 decision na pinagpasyahan ang Fort Bonifacio Military Reservation na binubuo ng parcels 3 at 4, psu-2031 kasama ang 10 EMBO barangays na bahagi ng teritoryo ng Taguig City. (Bhelle Gamboa)