Las Piñas LGU may bagong mga garbage compactor trucks at motorsiklo
Bilang bahagi sa pagpapabuti ng mga serbisyo at programa sa mga Las Piñeros,nagdagdag ng mga bagong garbage compactor trucks at motorsiklo ang Pamahalaang Lokal ng Las Piñas.
Pinangunahan nina Mayor Mel Aguilar at Vice Mayor April Aguilar pagpapasinaya sa naturang mga bagong sasakyan sa ginanap na simpleng seremonya sa bisinidad ng Las Piñas City Hall nitong Agosto 9.
Ang karagdagang bagong garbage compactor trucks ng City Environment and Natural Resources (CENRO) ay suporta sa clean and green project ng lokal na pamahalaan para palawakin pa ang kapasidad nito na makakolekta ng mga basura sa iba’t ibang lugar na naglalayong panatilihing malinis at malusog ang kapaligiran sa lungsod.
Bukod rito may karagdagan din na bagong mga water trucks ang CENRO na magpapaigting ng kanyang operasyon na maghatid ng malinis na tubig sa mga apektadong residente sa pagkawala ng supply ng tubig o water interruption sa kanilang lugar.
Samantala, gagamitin naman ng tanggapan ng Traffic Parking and Management Office (TPMO) ang mga bagong motorsiklo para sa pagmamando ng trapiko sa kalsada at maagap na pagresponde sa mga nangangailangang motorista. (Bhelle Gamboa)