Catapang umani ng suporta sa Senate hearing
Sinuportahan ng ilang senador ang liderato ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio Catapang sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kaninang umaga.
Ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa wala silang intensyon na palitan o tanggalin si Catapang sa puwesto.
Kailangan aniya nilang suportahan si Catapang para mas magawa nito ang paglilinis sa hanay at maipagpatuloy ang ipinapatupad na reporma sa BuCor.
Nagtipon-tipon naman ang mga kaanak ng persons deprived of liberty (PDLs) sa labas ng gate papasok ng NBP upang ipakita ang kanilang suporta sa liderato ni Catapang sa ahensiya.
Iginiit ng mga kaanak ng PDLs na maayos umano ang pamamalakad sa loob ng NBP partikular sa nakakamit nilang pribilehiyo sa pagdalaw maging ang mas mabuting kalagayan ng kanilang mahal sa buhay sa loob ng piitan.
Samantala sa gitna ng pagdinig, ipinakita naman ni Senate Committee on Justice and Human Rights Chairman Sen. Francis Tolentino ang mga videos na pinapasok ang “ilegal na droga” sa pamamagitan ng food delivery para sa mga PDLs.
Kaagad itong pinabulaanan ni Catapang dahil malinaw umano na hindi sa loob ng maximum security compound ng NBP ang kuha ng video at hindi rin nakauniporme ang sinasabing PDLs na nagrerepack ng shabu. (Bhelle Gamboa)