MMDA nanguna sa Brigada Eskwela sa Pateros
Pinangunahan ngayong araw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglulunsad ng Brigada Eskwela 2023 Project ng Department of Education sa Pateros Elementary School,Barangay San Pedro, sa munisipalidad ng Pateros.
Bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase, nagsagawa ang mga tauhan ng MMDA ng pagtatanggal ng mga bara sa drainage;pagpintura sa paaralan,pagtrim at pagputol ng sanga ng mga puno, sidewalk clearing operations;pagpinta ng pedestrian lane, misting; pagkumpuni ng mga sirang pinto,bakod,upuan,lamesa, blackboard, at pagpaskil ng no-smoking at no-vaping sign.
Ang ahensiya ay magbibigay din ng traffic management, transport vehicles, at emergency quick response sa bisinidad ng paaralan.
Ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program sa ilalim ng ahensiya sa pakikipagpartner sa Department of Labor and Employment ay lumahok sa nasabing aktibidad na naglalayong maisaayos ang mga eskwelahan bago ang balik eskwela.
Personal na tinutukan ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ang mga serbisyo na ipinagkaloob ng ahensiya para sa Brigada Eskwela upang pagandahin ang learning spaces at makalikha ng umaayong kapaligiran para matuto ang mga estudyante sa Metro Manila.
“With our regular coordination with the DepEd on each year’s Brigada Eskwela, and now, with DOLE under our partnership with them for the TUPAD program, I am very happy that we are able to address the needs of both our displaced workers as well as the teaching community and the students,” ani Artes.
Mahalaga aniya na maturuan ang mga estudyante sa kanilang murang edad at napapanatiling maayos mga paaralan.
“Habang tayo ay bata, siguraduhin nating hindi tayo magkakalat. Ang ating mga basura ay itapon sa tamang lagayan, at huwag sirain ang anumang pasilidad sa ating eskwelahan,” pahayag nito.
Umapela naman si MMDA Assistant General Manager for Operations Assistant Secretary David Angelo Vargas, para sa isang taong pagmamantina ng mga paaralan at binigyang importansiya ang malinis na eskwelahan ay magreresulta ng mas magandang karanasan sa pagkatuto ang nga estudyante.
Pinasalamatan ni Pateros Mayor Ike Ponce ang MMDA hindi lamang sa pagtulong sa Brigada Eskwela ngayong taon kundi sa pag-asiste sa buong munisipalidad.
Samantala, pinag-aaralan ng MMDA ang mga mahahalagang paraan para sa modular rain catchment system na tinitignan ng ahensiya na inisyal na maglagay ng pocket parks sa ilalim ng mga overpass sa Metro Manila upang tugunan ang posibleng problem sa tubig na dulot ng El Niño phenomenon. (Bhelle Gamboa)