Preso sa Bilibid nasawi matapos saksakin ng kapwa preso dahil sa pambu-bully
Isang umano’y bully na person deprived of liberty (PDL) ang namatay makaraang saksakin ng nakaalitang inmate sa loob ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City kahapon.
Dead on arrival sa NBP hospital ang PDL Romelito Dural, 50-anyos, huling nanirahan sa No. 5 Brill St., West Bajac, Olongapo City, Zambales, sanhi ng maraming saksak sa katawan.
Dumating si Dural sa NBP noong Marso 18, 2017 dahil sa dalawang bilang ng kasong attempted homicide.
Base sa spot report na isinumite ni CO2 Regie Carpio kay BuCor CCInsp Roger Boncales, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng inmate na kinilalang si Mark Mengullo, na nauwi sa pananaksak.
Agad namang sumuko si Mengullo sa shifting unit ng tanggapan ng BuCor office habang narekober ng BuCor personnel sa kanal ang isang improvised bladed weapon na ginamit sa insidente.
Si Mengullo, 34-anyos,ay hinatulan ng reclusion perpetua para sa kasong murder at dumating sa NBP noong Abril 5, 2022.
Inamin ni Mengullo na binubully siya ni Dural ng mahabang panahon at hindi na nito umano matiis kaya nagawa nito ang krimen.
Habang isinusulat ang balitang ito kasalukuyang isinasailalim sa safekeeping si Mengullo sa tanggapan ng Shifting Unit, MaxSeCom habang hinihintay ang confinement order nito. (Bhelle Gamboa)