Coast Guard inamin ang kapabayaan ng kanilang mga tauhan sa trahedya sa Talim Island sa Binangonan
Aminado ang Philippine Coast Guard (PCG) na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng kanilang mga tauhan sa trahedyang nangyari sa Talim Island sa Binangonan Rizal.
Sa pagdinig sa senado, sinabi ni Coast Guard Commandant Artemio Abu na malinaw na nagkaroon ng “lapses” sa panig ng kanilang mga tauhan bago ang insidente ng paglubog ng MB Princess Aya noong July 27.
Dahil sa nasabing insidente, 27 katao ang nasawi.
Bagaman hindi binanggit ni Abu kung anong partikular na kapabayaan ang nagawa ng mga PCG personnel, sa inisyal na imbestigasyon ay lumabas na overloaded ang motorbanca.
Hindi rin nakasuot ng life vest ang mga pasahero.
Sinabi ni Abu na inalis na puwesto ang mga nagpabayang tauhan ng PCG kabilang ang substation commander. (DDC)