Implementasyon ng Solo Parent Act, sisilipin ni Sen. Bong Go
Matapos lumabas sa mga usapin hinggil sa hindi maayos na pagbibigay ng benepisyo sa ilalim ng Republic Act 11861 o ang Expanded Solo Parent Act, nangako si Sen. Chrostopher “Bong” Go na sisilipin ang naturang isyu.
Sa isang panayam, sinabi ni Sen. Go, na maghahain siya ng panukalang batas sa senado para ma-review ang implementasyon ng batas.
“Para sa mga solo parent ‘yan. Pero kung hindi naman nila natatanggap ang mga benepisyo nito, ano pa ang saysay,” ayon sa senador mula sa Davao.
Sinabi ni Go na ikokonsulta niya rin ang usapin kay Senadora Riza Hontiveros na siyang primary author ng naturang batas.
Dagdag pa ng mambabatas, nakarating nga sa kaniya na kahit ang malalaking lungsod ay hindi naibibigay ang P1,000 na monthly allowance ng mga solo parent na nakasaad naman ng naturang batas.
“Ang mas masaklap yung mga solo parent sa 5th o 6th class municipalities ay wala talagang natatanggap na ni singko dahil ayon sa balita, wala daw sila pagkukunan ng pondo” ani Go.
Nagtataka din ang senador kung bakit hindi rin naibibigay ang 10 percent discount sa grocery store at mga botika para sa mga solo parent na may anak na 6 years old and below.
Isa kasi sa probisyon ng batas ay exempted ang mga solo parent sa value added tax kung ang kanilang kita ay hindi lalagpas ng P250,000 kada taon.
May 10 porsyentong diskwento rin naman sila sa mga gamot, pagkain at gamit ng bata tulad ng diaper, gatas, gamot at bakuna.
Si Sen. Go ay isa sa mga co-author ng Expanded Solo Parent Act. (DDC)