BuCor tatanggap ng mga batang COs kontra katiwalian
Inanunsyo ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang na tatanggap sila ng mga batang Corrections Officers (COs) bilang bahagi ng reporma ng ahensiya upang matanggal ang posibleng rason ng kanyang mga tauhan na makagawa ng katiwalaan.
Pinag-aaralan na rin bigyan ng promosyon sa mas mataas na ranggo ang lahat ng kuwalipikadong uniformed BuCor personnel habang aalisin na rin ang lahat ng scalawags sa ahensiya.
Sinabi ni Catapang na noong 2022 umabot sa 1,000 na COs ang natanggap at 1,000 iba pa ang nahire ngayong 2023 kung saan naaprubahan na rin ng Department of Budget ang pagtanggap para sa karagdagang 1,000 na tauhan ng BuCor sa susunod na taon.
“They will constitute the new blood of BuCor who will regain the trust and confidence of the Filipino people. We will therefore have a total of 3,000 new correction officers by end of 2024 who will represent the beginning of a reformed BuCor,” sabi ni Catapang.
Isusulong ng opisyal na mahubog ang mga tauhan nito ng integridad, dedikasyon sa serbisyo at katatagan na tanggihan ang korapsyon sa tulong ng tuluy-tuloy na pagsasailalim sa kanila sa mga seminars at trainings.
“We need to do this because some of our personnel have been in the bureau for so long at dahil yung mga ninuno nila ay nagtrabaho din sa bureau, they felt entitled kaya talagang mahaba habang proseso para sila madisiplina,” paliwanag ni Catapang.
Upang maalis ang lahat ng uri ng korapsyon, tinitignan na rin ni Catapang ang pagkakaloob ng subsidiya sa pagkain at tulong pinansiyal sa mga tauhan ng BuCor.
“We are also encouraging them to create their own cooperative to generate funds and additional assistance to BuCor personnel,” ani Catapang.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng otoridad sa nawawalang person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City nitong nakaraang buwan. (Bhelle Gamboa)