P112M na halaga ng tulong naipamahagi ng DSWD sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Egay at Habagat
Umabot na sa mahigit P112 million na halaga ng tulong ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga local government units (LGUs) na naapektuhan ng Super Typhoon Egay at Habagat.
Ang nasabing halaga ay para sa mga ipinamahaging family food packs (FFPs), non-food items (NFIs) at tulong pinansyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Ayon sa DSWD, kabuuang 718,016 na pamilya o mahigit 2.6 million na katao ang naapektuhan ng bagyong ‘Egay” sa 4,398 na barangay sa bansa.
Tiniyak naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na may sapat na pondo at stockpiles ng relief goods ang DSWD para matulungan ang LGUs sa kanilang pangangailangan. (DDC)