Mahigit 280,000 family food packs ibibigay ng DSWD sa Ilocos Region, CAR at Central Luzon
Iniutos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang agarang pagpapadala ng mahigit 280,000 boxes ng family food packs (FFPs) sa Ilocos Region, Central Luzon at sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Inatasan din ni Gatchalian ang Regional Directors ng DSWD sa Ilocos, Central Luzon at CAR na alamin ang pangangailangan ng
local government units (LGUs) na nakaranas ng pagbaha dahil sa Habagat.
Nakatakdang magpadala ang National Resource Operations Center (NROC), ng DSWD sa Pasay City, ng kabuuang 289,906 boxes ng FFPs sa unang dalawang linggo ng buwan ng Agosto.
Sa nasabing bilang, 120,406 ang ipadadala sa Ilocos Regional Office habang 24,500 naman sa CAR field office.
Samantala, sa Central Luzon naman, ang mga LGUs ang kukuha ng kanilang FFPs sa DSWD Operations Center (NROC).
Ang Central Luzon ang may pinakamalaking alokasyon ng FFPs na aabot sa 140,000 boxes.
Ito ay para sa mga lalawigan ng Pampanga, Bataan, Bulacan, at Zambales. (DDC)